Info T1D
Healthcare Professionals
About Us
Type 1 Diabetes at Komplikasyon sa Mata
Na-edit:
Ang mga taong may Type 1 Diabetes ay mas nanganganib na magkaroon ng diabetic retinopathy na maaaring makaapekto sa kanilang paningin.
Kapag palaging mataas ang glucose sa iyong dugo, mapipinsala nito ang iyong mga ugat. Kapag naapektuhan nito ang mga ugat mo sa mata, naaapektuhan din nito ang suplay ng dugo sa retina (bahagi ng ating matang nagiging dahilan upang tayo ay makakita).
Kapag napinsala ang mga ugat na ito, hindi na makakakuha ng tamang dugong kinakailangan ang retina kaya hindi na ito gagana nang maayos. Ibig sabihin, maaari kang mabulag.
May mga hakbang na maaaring gawin upang maiwasang mabulag kung mapapansin agad ang mga senyales nito. Isa sa pinakamahalaga ay panatilihing nasa tamang level ang glucose sa dugo upang maiwasan ang pangmatagalang komplikasyon. Makatutulong ang taon-taong pagpapatingin ng mata sa doktor upang matukoy kung may problema, bago pa man mauwi sa pagkabulag.
- Ang katarata na tumutukoy sa pagkapal at pag-uulap ng lens ng mata na nagpapalabo ng paningin o nagiging dahilan upang mahirapang makakita sa gabi.
- Ang Glaucoma ay kapag nagkaroon ng pressure sa loob ng mata na pumipigil sa pagdaloy ng sapat na dugo sa retina at optic nerve, kaya ito napipinsala. Sa paglipas ng panahon, kung hindi magagamot, maaaring hindi ka na makakita.
- Ang Diabetic retinopathy ay ang pagbabago sa retina dulot ng pinsala o paglala ng problema sa maliit na ugat ng retina.
Ang Diabetic Retinopathy ay ang pinakakaraniwang sanhi ng pagkawala ng paningin para sa mga taong may diabetes. Ito ang dahilan kung bakit kailangang ma-manage nang mabuti ng mga diabetic ang kanilang kondisyon upang maiwasan ang mga komplikasyon.
Unti-unting lumalala ang Diabetic Retinopathy na pumipinsala sa ating mga mata. Kung hindi magagamot, maaari itong mauwi sa tuluyang pagkabulag.
Kabilang sa gamutan para sa early-stage ng Diabetic Retinopathy ang pagtuturok ng gamot sa mata mismo upang maiwasan ang pamamaga na sanhi ng problema. Ngunit para sa mas malalalang komplikasyon ng Diabetic Retinopathy tulad ng retinal detachment, kailangan nang operahan ang mata.
Kahit na may mga paraan ng gamutan, hindi lubusang maibabalik na sa dati ang Diabetic Retinopathy. Maaaring maibalik ng mga doktor ang paningin ng isang tao, ngunit hindi na kasinlinaw ng dati.
Upang malaman kung may problema ka sa mata, pinakamainam na kumonsulta sa doktor. Maaari kang magkaroon ng pinsala sa mata kahit na nakakakita ka naman nang mabuti. Wala itong kinalaman sa paggamit ng salamin sa mata.
Mahalagang matukoy nang maaga kung may sakit ka sa mata at makagawa ng paraan upang maiwasan ang pagkabulag. Upang magawa ito, magpatingin sa doktor kada taon. Iba ito sa eye test na ginagawa ng mga optician kapag nagpapagawa ka ng salamin o bumibili ng contact lense.
Ano ang eye screening para sa mga diabetic? Kukuhanan ng isang eye doctor ang pareho mong mga mata upang makita kung may pagbabago ba sa iyong retina at kung may anumang senyales ng retinopathy.
Kung maagapan, may mga gamutan para maiwasan ang pagkawala ng paningin. Maipaliliwanag ito sa iyo ng doktor basta’t maibibigay mo lamang sa kanya ang mga resulta ng iyong taunang eye screening.
- Palagiang tingnan ang level ng glucose sa iyong dugo
- Sumailalim sa eye screening kada taon
- Pansinin ang ilang pagbabago sa iyong paningin tulad ng panlalabo (lalo na sa gabi), paglutang ng iba’t ibang hugis sa iyong paningin, at pagiging sensitibo sa liwanag.
- Sundin ang gabay sa tamang pagkain at iwasan ang may bad carbohydrates tulad ng matatamis na inumin, panghimagas, at junk food tulad ng potato chips.
- Subukang mag-ehersisyo 30 minuto kada araw.
Isang seryosong usapin ang problema sa paningin lalo na sa mga taong may diabetes. Kung mapapabayaan, makaaapekto ito sa paningin at maaaring mauwi sa pagkabulag.
Ito ang dahilan kung bakit mahalaga para sa mga diabetic ang makontrol ang kanilang kondisyon dahil ito ang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang mga komplikasyon. May panganib din silang magkaroon ng hypertension, sakit sa puso at problema sa bato kaya’t kailangang alerto at nababantayang mabuti ng mga diabetic ang kanilang kalusugan at nasusunod ang mga dapat na gawin.
Tumingin pa ng iba pang mga artikulo