Info T1D
Healthcare Professionals
About Us
Type 1 Diabetes at Komplikasyon sa Bato
Na-edit:
Habang tumatagal, ang diabetes ay maaaring maging dahilan ng pagkasira ng iyong mga bato o kidneys kaya’t magiging mahirap nang linisin ang sobrang likido at dumi mula sa iyong katawan. Ito ay sanhi ng mataas na level ng glucose sa dugo at mataas na presyon sa dugo. Ito ay kilala bilang diabetic nephropathy o sakit sa bato.
Sa simula, walang naidudulot na sintomas ang sakit sa bato, subalit habang tumatagal ay maaari itong magdulot ng pagkasira ng bato. Nangangahulugan itong hindi na gumagana ang bato at kinakailangan nang mag-dialysis upang malinis ang dugo. Sadyang napakahalagang malaman agad ang sakit sa bato habang maaga pa, dahil minsan, maaari pa itong maibalik sa dati.
Dahil wala ka pang nakikitang sintomas sa simula, napakahalagang magpa-test sa doktor para sa sakit sa bato bawat taon.
Masusukat ang iyong albumin level sa iyong ihi at kreatinin naman sa sample ng iyong dugo upang matukoy kung gaano kalusog ang iyong mga bato. Salamat sa dalawang test na ito, maaari nang makita sa simula pa lang at mapabagal ang paglala ng sakit sa tulong ng gamutan.
Kapag lumala ang sakit sa bato, maaaring mapansin ang mga sumusunod:
- Namamaga ang bukung-bukong, paa, at kamay
- May dugo sa ihi
- Pagod ang pakiramdam
- Hirap huminga
- Masama ang pakiramdam
Maaaring mararamdaman ito dahil nahihirapan ang mga bato na alisin ang sobrang tubig at dumi sa katawan. Ngunit ang mga sintomas na ito ay maaari ding sanhi ng iba pang mga sakit, kaya mahalagang kumonsulta sa doktor para sa mas maraming impormasyon at payo.
- Panatilihing nasa target level ang glucose sa iyong dugo
- Panatilihing mababa ang presyon ng iyong dugo.
- Sundin ang mga gabay sa masustansiyang pagkain.
- Subukang mag-ehersisyo ng 30 minuto kada araw.
Nagpapataas ng panganib na magkasakit sa bato ang isang tao kapag na-diagnose siyang may diabetes. Gayunpaman, may ilang nakakasanayang gawin ang mga tao na maaaring higit pang magpataas ng panganib na magkaroon ng sakit sa bato. Narito ang ilang mga bagay na dapat tandaan:
Ang paninigarilyo ay maaaring magpataas ng panganib ng sakit sa bato para sa may diabetes. Maaari din itong magdulot ng kanser sa baga, pati na rin ng mataas na presyon ng dugo at sakit sa puso na mataas ang panganib na maranasan ng mga may diabetes. Kung ikaw ay naninigarilyo, pinakamabuting tumigil na sa lalong madaling panahon.
Ang hindi pagsunod sa tamang diet plan ay maaaring magdulot ng mga problema para sa mga may diabetes. Kung hindi ka kumakain ng masustansyang pagkain, maaaring lumala ang iyong diabetes. Habang hindi nakakontrol ang diabetes, mas mabilis kang magkakaroon ng mga komplikasyon.
Ang maaalat na pagkain ay maaaring magpataas ng panganib na magkaroon ng diabetic kidney disease. Kung ikaw ay na-diagnose na may diabetes, makabubuting umiwas na sa maaalat na pagkain dahil pinatataas nito ang panganib na magkaroon ka ng sakit sa bato.
Ang hindi pagiging aktibo at ang pagkakaroon ng sobramg timbang ay maaari ding mauwi sa sakit sa bato. Ang araw-araw na ehersisyo ay hindi lamang nagpapababa ng panganib ng sakit sa bato, kundi nakakatulong din sa pagkontrol ng diabetes.
Kung may kapamilya o kaanak na may sakit sa bato, nagpapataas din ito ng panganib na magkaroon ng problema sa bato sa hinaharap ang isang tao. Kung may diabetes na ang isang tao at may kamag-anak din siyang may sakit sa bato, kailangan nilang mag-ingat nang husto sa kanilang kalusugan dahil ang mga bagay na ito ay naglalagay sa kanila sa mas mataas na panganib.
Tinatayang nasa 30-40% na mga taong nasuri na may diabetes ay nakakaranas ng komplikasyon sa loob ng 10-30 taon. Kaya mahalaga para sa mga may diabetes na panatilihing malusog ang kanilang katawan upang maiwasan ang mga komplikasyon na ito sa hinaharap.
Ang sakit sa bato ay isa sa inaalala ng mga taong may diabetes. Kaya mahalaga para sa may diabetes na sundin ang mga kinakailangang hakbang upang hindi lamang makontrol ang kanilang sakit kundi tiyaking hindi sila nakakagawa ng anumang may masamang epekto sa kanilang mga bato.
Ang pinakamabuti pa ring gawin ay iwasang magkaroon ng sakit sa bato sa simula pa lang. Sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng iyong doktor, pagkain ng masustansyang pagkain at pag-ehersisyo araw-araw, ang mga may diabetes ay pwedeng magkaroon ng malusog na buhay at mapababa ang panganib ng ilang komplikasyon dulot ng kanilang kondisyon.
Tumingin pa ng iba pang mga artikulo