Info T1D
Healthcare Professionals
About Us
Suporta sa may Type 1 Diabetes: Narito ang mga Dapat Tandaan
Na-edit:
Kapag na-diagnose ang isang tao na may Type 1 Diabetes, madalas na maramdaman ng mga tagapag-alaga na isa itong traumatic at mabigat na pangyayari sa buhay. Naiisip nila epekto ng hindi magandang resulta ng diagnosis sa kalidad ng buhay ng kanilang anak, haba ng buhay at pang-araw-araw na gawain. Paunti-unti, napagtatanto rin nila ang katotohanang ito ay may direktang epekto sa buong pamilya.
Ang pagkontrol sa diabetes ay nangangailangan ng pagbabago sa nakagawian, atensiyon, kinakain, at pamumuhay. Maaaring mahirap isiping kailangan ng habambuhay na pangangalaga ang ganitong kondisyon. Normal lang na makaramdam ng pagdadalamhati o lungkot sa yugtong ito.
Marami din sa mga tagapag-alaga ang nakararamdaman ng paninisi sa sarili dahil sa kondisyon ng anak na nagkaroon ng diabetes at iniisip na sana’y nakagawa sila ng mga hakbang upang maiwasan ito. Marami din sa mga tagapag-alaga ang hindi sigurado kung paano nila aalagaan ang may sakit, tulad ng pagbibigay ng gamot at pag-alalay sa kanila kung paano masusunod ang meal plan. Karaniwan ding mag-alala kung paano makikita ang mga sintomas ng diabetes at makakuha ng tamang tulong medikal.
Lahat ng pakiramdam na ito ay nararanasan ng maraming tagapag-alaga ng mga batang may type 1 Diabetes. Normal lang talagang makaramdam nito ngunit tandaang hindi ka nag-iisa. Palagi mong malalapitan ang mga doktor at nars, kaanak at pamilya.
Maraming magulang at tagapag-alaga ang nakararanas ng emotional at psychological stress matapos ma-diagnose ang kanilang mga anak o alaga na may type 1 Diabetes. Kung nararanasan mo rin ang parehong problema, tandaang hindi ka nag-iisa. Dumodoble ang bigat ng sitwasyon kapag nilalabanan mo ang pakiramdam ng pagkabigo, lungkot at pagkabalisa habang pinahuhupa mo rin ang pagkabalisa at kalungkutan ng taong may diabetes.
Ang unang hakbang upang malagpasan mo ang iyong mga nararamdaman ay hayaang matuto ang sarili ng mga kaalaman tungkol sa Type 1 Diabetes. Ang Hello Type 1 program ay makapagbibigay sa mga magulang at tagapag-alaga ng mahahalagang impormasyong kinakailangan upang maunawaan ang sakit at pinakamainam na mga paraan upang makontrol ito. Gayunman, makakakuha ka rin ng mga sagot sa iyong mga tanong mula sa mga doktor at nars na nag-aalaga sa iyong anak. Nakatutulong ang kaalaman tungkol sa Type 1 Diabetes upang maramdaman mong kontrolado mo at nauunawaan mo ang sitwasyon. Paraan din ito upang higit mong matulungan at masuportahan ang taong may diabetes at maipaunawa sa kanila kung paano nila makokontrol ang ganitong kondisyon araw-araw upang malagpasan ang kanilang lungkot at pagkabalisa.
Huwag kalimutang nandyan ang iyong pamilya upang magbigay ng suporta. Subukang ibahagi sa kanila ang iyong nararamdaman. Maaari din silang makatulong upang tuwangan ka sa responsibilidad ng pag-aalaga sa taong may diabetes.
Upang matulungan ang iyong anak o taong may diabetes, mahalagang maunawaan muna ang kanilang emosyonal at mental na kalagayan at magkaroon ng lakas ng loob bilang isang magulang na harapin o solusyunan ito.
Kausapin sila palagi upang mas maintindihan sila. Napakahalagang magpakita ng interes sa kanyang nararamdam at alamin ang mga problema na pinagdadaanan niya, at makinig muna sa lahat ng kanilang sasabihin bago ka magbahagi ng iyong saloobin.
Importante na alam mo rin ang tamang pakikipag- usap. Ipakita mo ang iyong pag-aalala at pagmamalasakit sa pamamagitan ng maingat na pagtatanong tungkol sa kanilang kalagayan, at kasabay nito ang pagpapalakas ng loob at ipaalala na hindi pa katapusan ng mundo ang pagkakaroon ng Type 1 diabetes.
Makinig sa kanilang mga saloobin at hinaing. Subukang sagutin ang kanilang mga katanungan at sabihin sa kanila na ang tamang pagsunod sa mga dapat nilang gawin at disiplina sa sarili ay makakatulong sa kanila upang mabuhay nang normal at maging matagumpay sa buhay (lakas at higit na pagkakataong magtagumpay sa eskuwela, sa kolehiyo, at sa trabaho kalaunan).
Mahalagang tulungan mo silang tumayo sa sarili nilang mga paa. Maaari itong maging mahirap, lalo na sa simula, na pigilan ang sarili mong protektahan ang iyong anak o mahal sa buhay na may diabetes. Sa pamamagitan ng paghikayat at suporta, kailangan nilang matutunan kung paano gampanan ang ilang responsibilidad sa pamamahala ng kanilang diabetes, tulad ng pag-inom ng gamot o pagpaplano ng pagkain. Magkakaroon ito ng positibong epekto at makakatulong sa pagpapalakas ng kanilang kumpiyansa.
Kapag may diabetes ang isang tao, naapektuhan nito ang buong pamilya. Kung mayroon kang ibang anak o umaasa sa iyo na walang malalang sakit, maaaring mapansin mong nagkakaroon sila ng sama ng loob dahil sa dagdag na atensyon na natatanggap ng taong may diabetes. Wag mong kalimutan na bigyang-pansin at alagaan ang iba mong kapamilya upang maiwasan ang anumang tensyon sa loob ng pamilya. Maaari mo rin silang isali sa pag-aaral tungkol sa Type 1 Diabetes at hingin ang kanilang tulong.
Ang magandang komunikasyon, kasama ang positibong panghihikayat, ay may magandang epekto sa pagkontrol ng Glucose sa dugo at ng Type 1 Diabetes. Ang mga taong may Type 1 Diabetes ay maaaring mamuhay nang mahaba, masaya, at ganap tulad ng ibang tao.
Mahirap harapin ang malamang may diabetes ang isang tao, lalo na’t maaaring maging panghabambuhay itong kondisyon na nangangailangan ng wastong pangangalaga. Para sa mga magulang ng mga batang may diabetes, ang stress na naidudulot ng pag-aalaga para sa batang may ganitong kondisyon ay puwedeng maging sobrang bigat na may epekto sa kanilang mga buhay at sa paraan ng pag-aalaga sa mga bata.
Ito ang dahilan kung bakit ito mahalaga para sa mga magulang na huwag ipagsawalang bahala ang kanilang sariling kalusugan, at gumawa ng mga hakbang upang makontrol ang sariling stress. Kung kinakailangan ng karagdagang tulong, hindi nakakahiyang humingi ng tulong sa mga kamag-anak, malapit na kaibigan, o kahit na pagkuha ng yaya para tumulong sa bahay upang mas maalagaan mo ang iyong anak at mas mapamahalaan ang iyong stress.