Info T1D

Icon

Healthcare Professionals

About Us

Ang Aking Kwento: Buhay Kasama ang Type 1 Diabetes

Na-edit:

Annie Lugay

Nurse Educator & Clinic Support Programme Coordinator at Action4Diabetes (A4D), Philippines

Kamusta, ako si Annie. Lumaki ako sa isang pamilyang may anim na miyembro—ako ang gitna sa dalawang kapatid , si ate at si kuya,  at isang bunsong babaeng kapatid. Bata pa lang ako, punung-puno na ako ng sigla. Ako 'yung malusog  na batang mahilig kumain, maglaro sa labas buong araw, at mag-enjoy sa simpleng buhay. Hanggang ngayon, napapangiti pa rin ako sa alaala ng mga araw na 'yon—kasama ang mga kapatid ko at mga kalaro ko.

Pero isang araw, may nagbago.

Twelve years old palang ako noon, nagsimula akong makaramdam ng kakaiba. Lagi akong nauuhaw, palaging umiihi, pumapayat kahit kain pa rin ako nang kain. Nawawala ang dati kong sigla. Hindi ko maintindihan ang nangyayari sa akin.

Nagpatingin kami sa doktor. Pagkatapos ng ilang tests, sinabi nila:
“May Type 1 diabetes ka.”

Ang totoo? Masakit.
Umiyak ako. Natakot ako. Nalito. Ang hirap tanggapin na mula ngayon, araw-araw akong mag-iinsulin at magmo-monitor ng blood sugar ko habang buhay.

Bilang isang pamilya, kailangan naming pag-aralan ang lahat—kung paano magplano ng pagkain, magbilang ng carbohydrates, at paano harapin ang mga  pagkakataong mababa ang asukal sa dugo o yung tintawag na “hypoglycemia”.  At siyempre, andiyan pa ang gastusin: insulin, test strips, regular na pagpapatingin sa doktor—lahat 'yan kailangan naming harapin.

Pero sa pagdaan ng panahon, natuto akong magbago. Unti-unti kong niyakap ang pagbabago—natutunan kong kumain nang tama,sukatin ang lahat ng aking kinakain,  mag-ehersisyo araw-araw, at bantayan ang blood sugar ko. Isa sa pinakamahirap na tanggapin ay ang katotohanang ang pa-iiniksyon ng insulin ay magiging parte na ng araw-araw kong buhay. Pero kinaya ko. Kasi alam kong  hindi ako nag-iisa.

Ang pagmamahal at suporta ng pamilya ko, mga kaibigan, at mga doktor, nurses, at nutritionist ko ang naging sandalan ko. Sila ang nagbigay sa akin ng lakas na kailangan ko para magpatuloy. Higit sa lahat, malaking bagay din ang aking taimtim na pananampalataya sa Dyos.

Ngayon, matapos ang 44 na taon at patuloy pa ng pamumuhay kasama ang Type 1 diabetes, masasabi kong hindi ko na ito nakikita bilang hadlang. Isa na itong pinanggagalingan ng lakas—isang mahalagang bahagi ng aking buhay na humubog sa pagkatao ko.

Dahil dito, natagpuan ko ang aking layunin: tumulong sa iba.

Ako ngayon ay isang diabetes nurse educator, diabetes health coach and patient advocate. Iba ang saya kapag nakakatulong ka sa kapwa mong may diabetes —kapag naipaparamdam mong hindi sila nag-iisa, at may pag-asa pa.

At isa sa mga pinaka-pinagmamalaki kong nagawa ay ang maisulat ko ang sarili kong libro:
“Beyond Needle Pricks and Insulin Shots: My 40 year Love-Hate Relationship with Type 1 Diabetes”
Isinulat ko ito mula sa puso. Totoo, tapat, at puno ng mga aral na natutunan ko sa mahabang paglalakbay ko kasama ang diabetes. Sana ay makapagbigay ito ng pag-asa at tapik sa balikat para sa mga taong dumadaan sa parehong sitwasyon.

Kaya kung ikaw ay bagong-diagnose, o kung nahihirapan ka ngayon, gusto kong malaman mo ito:

Hindi ka nag-iisa.
Kaya mo 'to.
At kahit may diabetes ka, puwede ka pa ring mamuhay nang masaya, buo, at may saysay. Buhay ako, at patuloy na nabubuhay, bilang patunay.

At kung may isang bagay akong natutunan sa mahabang paglalakbay na ito, ito ay:
ang aking “DNA”  o bumubuo sa akin bilang taong may Type 1 diabetes.  Ang DNA na ito ay nangangahulugang, TUMAYO (R.I.S.E.)

R – Resilient
Lagi akong bumabangon sa bawat hamon na may pag-asa sa puso.

I – Independent
Ako ang may hawak ng aking kalusugan at nagtitiwala sa sarili.

S – Strong and Courageous
Matapang kong hinaharap ang bawat araw, anuman ang pagsubok.

E – Empathetic
Mas malalim ang pag-unawa ko sa iba dahil sa sarili kong karanasan.

Salamat sa pagbasa ng aking kwento. Kung kailangan mo ng inspirasyon, suporta, o simpleng kausap na nakakaintindi, andito lang ako.

At gaya ng lagi kong sinasabi: Don’t let diabetes stop you. Live life to the fullest—beyond Type 1 diabetes. 💙

Icon Paunawa: