Info T1D
Healthcare Professionals
About Us
Mga Pangarap sa kabila ng Sakit: Ang karanasan ni Leaphy na may Type 1 Diabetes
Na-edit:
Nalaman ni Leaphy na mayroon siyang Type 1 Diabetes noong 2017, nang siya ay siyam na taong gulang pa lamang. Isang malaking pangyayari ito sa kanyang buhay na hindi niya kailanman inasahan. Sa una, nagdulot ang balitang ito ng magkakahalong emosyon. Nabahala siya, hindi maunawaan ang nangyayari, at lubos na nag-alala sa naghihintay sa kanyang bukas. Ngunit kahit na may takot, pinili niyang aralin kung paano niya makokontrol ang ganitong kondisyon at maipagpapatuloy ang buhay na pinapangarap niya.
Hindi madaling aralin kung paano ma-manage ang diabetes. Kailangan ni Leaphy na tingnan ang kanyang blood sugar nang maraming beses kada araw sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagtusok sa kanyang daliri upang masuri ang kanyang dugo. Apat na beses kada araw niyang kailangang turukan ng insulin ang sarili at maingat na iakma ang dami nito sa kanyang kinakain at ginagawa. Bagaman nakatatakot ang gawaing ito sa una, naging bahagi na lamang ito ng kanyang buhay – tulad ng pagsisintas ng sapatos at pagsisipilyo.
Kahit na determinado siyang mabuhay, nakakaramdam pa rin siya ng pag-aalala minsan. Nag-aalala siya sa hindi inaasahang pagbaba ng kanyang sugar na dahilan ng kanyang pagkahilo at panghihina. Ipinag-aalala niya rin ang panghabambuhay na responsibilidad ng maingat na pag-aalaga ng kanyang kalusugan, dahil alam niyang kahit sa maliit na pagkakamali ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa kanya.
Ngunit mataas ang pangarap ni Leaphy. Ayaw niyang kontrolin ng diabetes ang kanyang kinabukasan. Gusto niyang maging mahusay sa paaralan at nangangarap pang maging modelo. Nais niyang gawin ang mga bagay na makapagpapasaya sa kanya nang hindi napipigilan ng kanyang kondisyon. “Bahagi lang naman ito ng aking sarili,” paalala niya sa sarili. “Hindi ito ang lahat ng ako.”
Hindi mag-isa sa ganitong sitwasyon si Leaphy. Sa bawat hakbang, kasama niya ang kanyang mga magulang. Katuwang niya sa pag-unawa sa kondisyong ito. Sabay nilang binabantayan ang kanyang blood sugar level at sabay din nilang ipinagdiriwang ang maliliit na tagumpay tulad ng pagkatuto ng bagong paraan ng pag-aalaga ng sarili. Nakatulong din ang kanyang mga kaibigan sa pamamagitan ng pagbabantay ng kanyang sugar level o pagtitiyak na hindi siya napag-iiwanan sa mga gawain. Sinusuportahan din siya ng mga healthcare professional. Ginagabayan siya sa bawat tagumpay at pagkabigo patungkol sa kanyang kondisyon. Sa pamamagitan ng ganitong suporta, napagtanto ni Leaphy na hindi niya kailangang pasanin mag-isa ang pagkakaroon ng diabetes.
Hinubog si Leaphy ng Type 1 Diabetes sa paraang hindi niya inaasahan. Nagawa niyang maunawaan ang kanyang katawan, mapansin kung masyadong mababa o mataas ang kanyang blood sugar, at gumawa ng paraan upang maitama ito. Tinuruan din siya ng diabetes ng kahalagahan ng pag-aalaga ng sarili – hindi lamang pisikal kundi emosyonal.
Naging mas maunawain pa siya at nalamang lahat ay may hinaharap na mga problema. Dahil sa pag-aalaga at kabutihang natatanggap niya, napagtanto niya ang kapangyarihan ng pagkakaroon ng matibay na support system, at ngayon ay nais niyang magbigay ng parehong suporta sa kanyang paligid.
Nais ni Leaphy na malaman ng iba pang batang may Type 1 Diabetes na hindi sila nag-iisa. “Mahirap i-manage ang diabates,” sabi niya, “ngunit kaya ninyo ‘yan. Hindi ibig sabihing hindi ninyo na maaabot ang pangarap ninyo. “ Hinihikayat ni Leaphy na manatiling positibo sila, humingi ng tulong kung kailangan, at magpatuloy lang sa kanilang mga pangarap.
Ang kuwento ni Leaphy ay hindi lamang tungkol sa buhay ng may diabetes kundi tungkol sa buhay na masaya, may pag-asa at may tapang. Alam niyang may mga panahong napakabigat, ngunit naniniwala siyang sa pamamagitan ng determinasyon at tamang suporta, kaya niyang harapin ang lahat ng hamon. Ito ang mensaheng nais niyang ibahagi: anumang hamon ang dumating, mas malakas ka sa inaakala mo sa iyong sarili.
Para kay Leaphy, ang mabuhay nang may diabetes ay hindi lamang tungkol sa mga karayom at numero kundi tungkol ito sa pagtuklas sa sariling lakas, pag-abot ng pangarap, at paghahanap ng kasiyahan sa bawat yugto ng buhay.