Info T1D

Icon

Healthcare Professionals

About Us

Type 1 Diabetes at Komplikasyon sa Paa

Na-edit:

Anne-Charlotte Ficheroulle

Pharmacist, Education Manager, A4D

Paano nakapagdudulot ng komplikasyon sa paa ang Type 1 Diabetes?

Lubos na nakapipinsala ng iyong katawan ang mataas na level ng glucose sa dugo. Puwede itong magdulot ng mga problema sa sirkulasyon ng dugo at impeksyon. Dahil dito, namamanhid ang mga paa o maaaring ang kabaligtaran nito gaya ng pangingilig at pakiramdam na parang nasusunog.

Kung mapapabayaan, maaari itong maging sanhi ng pinsala sa paa na hindi gumagaling nang lubos at maaaring hindi mo mapansin kung may sugat o injured ang iyong mga paa. Ito ay maaaring mauwi sa ulcers at mga impeksyon. Sa mas malalang kondisyon, puwede itong mauwi sa pagputol ng mga paa.

Pagtukoy sa mga senyales ng problema sap aa

Inirerekomendang tignan ang iyong mga paa kung mayroon ka ng mga sumusunod na senyales at ipaalam agad ito sa iyong doktor:

- pangingilig o pakiramdam na may tumutusok (tulad ng pamamanhid)

- mahapdi

- masakit

- pangingintab at pagkinis ng balat sa paa

- pagkalagas ng buhok sa mga binti at paa

- pamamanhid ng binti o paa

- pamamaga ng paa

- hindi pinagpapawisan ang paa

- hindi gumagaling ang sugat

- pinupulikat ang kalamnan kapag nagpapahinga o naglalakad

Subalit kung mapansin mo ang alinman sa nakaaalarmang pagbabagong ito, agad na magpunta sa doktor:

- pagbabago sa kulay at hugis ng iyong paa

- malamig o mainit na paa

- mga paltos o hiwa sa paa ngunit hindi mo nararamdaman

- mabagong amoy na lumalabas sa sugat

Mahalagang ipatingin ang iyong mga paa sa doktor isang beses sa isang taon upang malaman kung may pagbabago sa iyong mga nerve.

Ano ang foot check-up? Susuriin ng isang propesyonal ang iyong binti at paa kung may senyales ng pamamanhid, hindi magandang sirkulasyon ng dugo, lipak, kalyo, problema sa mga kuko at iba pang kondisyon. Ipaliliwanag nila kung ang iyong anak ay may panganib na magkaroon ng problema sa paa.

Mga tip upang mabawasan ang panganib ng mga sakit sa paa:

- Tiyaking nasa tamang level ang glucose sa iyong dugo

- Magsuot ng komportable at sukat na sukat na sapatos. Iwasan ang masisikip na sapatos at mataas na heels hangga’t maaari.

- Panatilihing malinis at tuyo ang paa upang makaiwas sa impeksyon

- Panatilihing maikli ang mga kuko sa paa

- Iwasang magpaa kapag lalabas ng bahay upang maiwasang masugatan o magasgasan

- Subukang mag-ehersisyo ng 30 minuto kada araw

Maaaring mauwi sa mas seryosong mga komplikasyon kapag pinabayaan ang Type 1 Diabetes

Kung walang tamang pangangalaga, maaaring magdulot ng mas seryosong komplikasyon ang Type 1 Diabetes na tinatawag na gangrene. Isa itong kondisyong maituturing na banta sa buhay kung saan ang mga tissue ng katawan ay hindi nakatatanggap ng sapat na dugo na dahilan upang mamatay ito.

Isang komplikadong proseso ang paggamot sa gangrene. Kailangang tanggalin ang patay na tissue, magreseta ng antibiotics upang makontrol ang impeksyon, at sa ilang mga kondisyon, nangangailangan ng operasyon upang ayusin ang napinsalang mga ugat.

Kung hindi magagamot ang gangrene nang tama at nang maaga, maaaring putulin ang alinmang apektadong bahagi ng katawan, o sa mas malalang kondisyon, mauwi sa sepsis.

Ang Sepsis ay isang komplikasyon kung saan ang impeksyon ay kumakalat sa magkakaibang bahagi ng katawan, na nagdudulot ng seryoso at masamang reaksyon ng katawan. Kung hindi magagamot, maaaring ikamatay ng tao ang Sepsis. Kung makokontrol nang mabuti ang diabetes, maaari kang makaiwas sa napakaraming komplikasyon at problema sa kalusugan, kaya’t dapat itong maging priyoridad ng mga taong may diabetes.

Narito ang limang sintomas na dapat bantayan:

- lagnat na hindi nawawala

- pagbabago sa balat na hindi nawawala

- may lumalabas na likido sa sugat

- malamig, matigas at/o namamanhid ang paa

- may masakit sa bahagi ng katawan na inoperahan o may sugat

Kung nakararanas ka ng aliman sa mga sintomas na ito, pinakamabuting magpunta sa doktor sa lalong madaling panahon upang matingnan ka agad.

Key Takeaways

Kadalasang naiuugnay ng mga tao ang mga komplikasyon gaya ng mga sakit sa puso o altapresyon sa Type 1 Diabetes. Gayunman, mahalagang malaman ng mga tao na maaari ding maging isang seryosong alalahanin ang problema sa paa, lalo na sa mga may diabetes na hindi nagagamot nang tama.

Kaya naman mahalaga para sa may diabetes na mabantayang mabuti ang kanilang kondisyon sa pamamagitan ng pagkain ng masustansya, palagiang pag-eehersisyo at pagsunod sa payo ng doktor upang makontrol ang mga epekto ng type 1 Diabetes.

Mahalaga ring tandaan ang mga posibleng sintomas ng komplikasyon sa paa upang matugunan ito agad bago pa lumala.

Sagutan ang pagsusulit sa komplikasyon ng paa ngayon!

Icon Paunawa: