Info T1D
Healthcare Professionals
About Us
Si Wai Yan Aung: Ang Kahalagahan ng Paghingi ng Suporta ng may Type 1 Diabetes
Na-edit:
“Noong 14 na taong gulang ako at nasa Grade 9 sa boarding school, na-diagnosed na may Type 1 Diabetes ako. Nabigla ako, ngunit tinuruan ako ng karanasang iyon ng kahalagahan ng paghingi ng suporta,” pagbabahagi ni Wai Yan Aung na isang estudyante mula sa Yangon.
Dahil nag-aaral siyang malayo sa mga magulang, kinakain niya lahat ng gusto niya, lalo na ang mga French fries at mga juice. Nang mapansin niya ang mga sintomas sa sarili niya na kapareho sa tatay niyang may diabetes, kinausap niya ang kanyang nanay kaya’t nakapagpadoktor sila. “Nagulat ako nang malaman kong may Type 1 Diabetes ako. Gayunpaman, malaki ang naitulong sa akin ng suporta ng pamilya ko, lalo na ng aking nanay.”
“Sa una, napakahirap i-manage ang diabetes, ngunit malaki ang naibigay na suporta sa akin ng Action for Diabetes (A4D). Natulungan ako ng A4D na makilala ang mga doktor tulad nina Dr. May Htet Lwin at Dr. Wah Wah Lynn, na nag-adjust ng insulin ko at nagbantay ng HbA1C ko kada tatlong buwan. Napakahalaga ng suporta nila.”
Maraming tinatanong ang mga kaibigan niya sa paaralan tungkol sa pagtuturok niya ng insulin sa sarili. “Nahihirapan ako minsang sagutin ang lahat ng tanong ng mga kaklase ko, pero nakikita ko dito kung gaano kahalaga ang suporta nila sa akin,” wika niya. Dahil natututo sila, lumalalim ang pag-unawa at damayan para sa kanyang kondisyon.
Napakahalaga ng support system para sa mga taong may T1D. Nagbibigay sila ng gabay medikal at suportang emosyonal na nakapagpapagaan sa pasaning idinudulot ng ganitong seryosong kondisyon. “Nakatulong ang pamilya ko, ang A4D at lahat ng nagmamalasakit sa akin upang manatili akong malusog at puno ng pag-asa.”
Ngayong nagsisikap siyang mag-aral ng Finance at Accountability, binigyang diin niya na, “Huwag kang ma-depress kung may diabetes ka. Sa tulong ng tamang suporta, mabubuhay ka nang masaya. Lahat naman ay may mga hamong pinagdaraanan, ngunit sa pamamagitan ng suporta mula sa iba, maaabot natin ang ating mga minimithi sa buhay.
Sentro ng kanyang kuwento ang kahalagahan ng suporta, regular na pag-aalaga, at positibong pananaw sa buhay sa pagharap sa Type 1 Diabetes. Inspirasyon ang kanyang kuwento upang tanggapin ang kondisyong ito at mabuhay nang maligaya.