Info T1D

Icon

Healthcare Professionals

About Us

Narito ang dapat mong malaman sa pagtukoy ng iyong blood sugar levels

Na-edit:

Anne-Charlotte Ficheroulle

Pharmacist, Education Manager, A4D

Ano ang blood glucose levels?

Ang blood glucose levels ay ang dami ng glucose sa iyong dugo. Ang glucose ay isang uri ng asukal na nagmumula sa mga pagkain at inumin na ating kinokonsumo. Ito rin ay ginagawa at iniimbak ng ating atay at mga kalamnan. Ito ang pangunahing pinagkukunan ng enerhiya ng ating katawan at dinadala ito ng dugo papunta sa bawat selula sa pamamagitan ng mga ugat.

Ano ang blood glucose monitoring?

Mahalagang ma-monitor ang iyong blood glucose araw-araw upang makontrol ang diabetes at maiwasan ang mga komplikasyon. Maaari mong i-test ang iyong blood glucose sa bahay o sa paaralan gamit ang isang blood glucose meter. Isa itong maliit na makina na sumusukat sa dami ng glucose sa isang patak ng iyong dugo at ipinapakita ang resulta sa isang screen.

Ang araw-araw na pagsusuri ng blood glucose levels ay ang pinakamabisang paraan upang mapanatiling balanse ang iyong kinakain, kung gaano ka dapat maging aktibo at ang insulin na iniinom mo.

Bakit mo kailangang i-test ang iyong blood glucose?

- upang masuri ang epekto ng iyong insulin doses

- upang malaman kung ang antas ng blood glucose ay masyadong mataas o mababa.

- upang malaman kung paano nakakaapekto ang pagkain at ehersisyo sa iyong blood glucose levels

- upang maunawaan na ang sakit o stress ay maaari ding makaapekto sa antas ng iyong blood glucose levels

Kapag hindi mo nakontrol ang blood glucose levels, hindi lamang ito magdudulot ng panandaliang problema katulad ng hypoglycaemia (mababang level ng glucose sa dugo) ngunit maaari ding maging banta sa buhay tulad ng diabetic ketoacidosis na tinatawag ding DKA (kapag ang iyong katawan ay naglalabas ng mataas na level ng mga acid sa dugo na tinatawag na ketones) at diabetic coma.

Kalaunan, ang hindi pagkontrol sa diabetes ay maaaring makasira sa mahahalagang bahagi ng katawan tulad ng puso, bato, mga mata at mga ugat. Ang ibig sabihin, maaaring magkaroon ng sakit sa puso at stroke, sakit sa bato, pagkabulag at problema sa mga ugat ang taong may diabetes.

Kapag ikaw ay may sakit, nakakaapekto ito sa kung ilang insulin ang kailangan ng iyong katawan. Kapag alam mo ang iyong blood sugar level, makakatulong ito sa iyo at sa iyong doktor sa pagdedesisyon kung kailangan mo bang palitan ang paraan ng iyong paggagamot.

Habang tumatanda ka, mahalagang matutuhan mo na kung paano makokontrol ang iyong diabetes nang mag-isa at sundin ang suhestiyon ng iyong doktor, sa halip na umasa sa iyong mga magulang.

Mga dapat tandaan kapag binabantayan ang blood glucose

Isang simpleng proseso lang ang blood glucose monitoring na kahit ang mga bata ay kayang gawin ito nang mag-isa. Gayunpaman, mahalaga pa ring tandaan ang mga dapat at hindi dapat gawin kapag inaalam ang blood glucose levels, lalo na sa bahay. Narito ang mga dapat tandaan:

- Kumonsulta sa iyong doktor upang malaman kung ano ba ang tamang level ng blood glucose para sa iyo. Makatutulong ang doktor upang matukoy ito sa pamamagitan ng pagdadala ng iyong dugo sa laboratory dahil mas wastong gawin ito doon kaysa sa bahay. Ang kalalabasan nito ang magiging batayan ng iyong doktor ng target mong blood sugar pati na rin ang paraan ng gamutan. Maaari mo ding ipakita sa iyong doktor ang iyong glucometer upang masuri kung nasa tamang range ito.

- Unawaing mabuti ang ginagamit mong device. Bagaman madaling gamitin ang Glucometer, mahalaga pa ring maging pamilyar ka sa tamang paraan ng paggamit nito. Maglaan ng panahon upang basahin ang manuwal nito, manood ng mga online video tungkol sa paggamit nito o maaari ding makipag-usap sa iyong doktor kung paano makakakuha ng tamang resulta dito.

- Isulat ang bawat resulta ng paggamit ng glucometer. Mahalagang hakbang ito upang malaman mo kung may pagbabago ba sa resulta batay sa ginagawa mong gamutan at kung tama ba ang dami ng insulin na iyong kinokonsumo. Ginagamit din ng iyong doktor ang mga impormasyong ito upang i-adjust ang iyong gamutan kung kinakailangan at mabantayan ang iyong kondisyon. Kung may mga glucometer na kusang nagse-save ng resulta sa device, mahalaga pa ring magsulat ng note sa phone o sa papel upang makatiyak ka.

- Sundin ang iyong schedule. Hindi mo puwedeng basta i-check ang blood glucose levels mo anumang oras mo gustuhin. Mahalagang sundin ang tamang oras ng paggawa nito upang makakuha ka ng tamang resulta. Importante ang magkakuha ng tamang resulta upang makontrol ang iyong kondisyon at makaiwas sa mga posibleng komplikasyon nito.

Sagutan ang pagsusulit sa pagsubaybay sa asukal ng dugo ngayon!

Icon Paunawa: