Info T1D
Healthcare Professionals
About Us
Hyperglycemia: Paano makontrol ang mataas na blood sugar level
Na-edit:
Ang blood glucose level ay tumutukoy sa dami ng asukal na nasa dugo. Kapag ang antas na ito ay tumaas nang labis higit sa 14 mmol/L (250 mg/dL) ito ay tinatawag na hyperglycaemia. Ang sobrang taas na blood glucose level ay maaaring magdulot ng malulubhang sintomas na kailangang agad na gamutin.
Kapag hindi naagapan o nagamot, maaaring lumubha ang hyperglycaemia at humantong sa mga seryosong komplikasyon na nangangailangan ng agarang atensyong medikal, tulad ng pagkaka-coma dahil sa diabetes.
Kapag matagal ka nang may sobrang blood glucose, maaaring makasira sa mga nerve ugat, at mahahalagang bahagi ng katawan, na maaaring magdulot ng mga problemang gaya ng atake sa puso, stroke (pagbara o pagputok ng ugat sa utak), sakit sa bato, pagkabulag, sugat na hindi gumagaling, at pagputol ng binti o paa.
Ang mga pwedeng maging senyales at sintomas ng mataas na glucose sa dugo ay nakadepende sa bawat tao.
Narito ang mga ilan na maaari mong maramdaman o nakukuha kapag mataas ang blood glucose level:
● Laging nauuhaw
● Madalas na pag-ihi, lalo na sa gabi
● Malabong paningin
● Laging pagod
● Nanunuyo ang bibig
Kung malala ang pagtaas blood glucose level, maaari mo ring maranasan ang:
● Pagduduwal
● Sakit ng tiyan
● Hindi normal na paghinga
● Amoy alak ang paghinga
Minsan, ang hyperglycemia ay maaaring maging malubha at humantong sa pagkahimatay o pagkawala ng malay. Kung mayroon kang alinman sa mga senyales na ito, dapat kang pumunta agad sa ospital o klinika.
Ang pag-aalaga sa sarili kapag may Type 1 Diabetes ay parang pagba-balanse ng tatlong mahalagang bagay dahil kailangan mong mabantayan ang insulin mo, sa mga pagkain na kinakain mo at bilang ng ehersisyo o gawaing pisikal na nakukuha mo.
Ang tatlong ito ay dapat mapanatiling balance. Kapag ang isa dito ay nagkulang o nasobrahan, may posibilidad na maaapektuhan ang blood sugar level. Karaniwan, ang mataas na blood sugar o glucose sa dugo ay maaaring dulot ng:
● Hindi pag-inom o pagturok ng insulin sa tamang oras, o hindi sapat o sobra ang dami ng insulin na nakukuha.
● Ang Insulin ay lampas na sa araw na pwedeng gamitin o hindi nailagay sa tamang lagayan.
● Hindi nasusunod ang meal plan (gaya ng madalas na pagkain o pagmemeryenda)
● Sobrang pagkain ng carbohydrates/matatamis na inumin
● Kulang sa ehersisyo.
● Pagkakaroon ng impeksyon, sakit, o buwanang dalaw.
● Mga Emosyon, tulad ng labis na kasiyahan o stress.
● Minsan, pansamantala itong nangyayari o pagkatapos ng matinding ehersisyo (epekto ng stress)
● Pag-inom ng ibang klase ng gamot na nakaaapekto sa gamot mo para sa diabetes.
Pag-unawa sa mataas na blood glucose level.
Gamit ang glucometer maaari mong suriin ang iyong blood glucose level ng maraming beses sa isang araw, ito ay bahagi ng diabetes management plan. Makakatulong ito sa pag-alam kung may mataas kang blood glucose levels, na hindi agad nagpapakita ng mga sintomas.
Kapag hindi regular na tine-test ng isang tao ang kanyang blood glucose level, may posibilidad na masira ang kanyang katawan nang hindi niya napapansin dahil sa masyadong mataas na blood glucose level.
Ang iyong doktor o nars ay maaaring magpayo na palitan ang insulin doses o palitan ang meal plan para bumalik itong muli sa malusog na antas kapag iyong napansin na ang iyong high blood sugar level ay tumaas.
Kapag ang iyong blood glucose ay umabot ng 14 mmol/L (250 mg/dl) kailangan na ng agarang aksyon.
Nandito ang ilang hakbang na puwede mong sundin:
- Tignan ang iyong blood glucose level at kumuha ng short acting insulin shot
- Tawagan ang iyong doctor/nars para tanungin kung ilan ba ang dapat na insulin na kailangan kapag hindi mo sigurado ang gagawin
- Uminom ng maraming tubig (isang basong tubig kada oras)
- Iwasan ang matinding pag-ehersisyo
- Makalipas ang dalawang oras, tingnan ang iyong blood glucose level
Kapag ang iyong blood glucose level ay mas mataas pa rin sa 14 mmol/L (250 mg/dl) tawagan agad ang iyong doktor/nars.
Kapag naman tumaas ang iyong blood glucose level sa 22 mmol/L (400mg/dl) meron kang hyperglcaemia. Kumuha agad ng insulin (10% of total daily dose). Tawagan agad ang iyong doktor/nars.
Ang hyperglycaemia, o high blood sugar, ay isang kondisyon ng pagtaas ng level ng blood sugar sa katawan. Ang matagal na pagkakaroon ng hyperglycaemia ay maaaring magdulot ng mga komplikasyon na karaniwang sanhi ng diabetes, at sa mas malalang kaso ay maaaring ikamatay.
Para sa mga taong may Type 1 diabetes, ang pag-iwas sa hyperglycaemia ay mahalagang parte ng pag-aalaga sa kanilang kondisyon. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagsigurong masustansya ang kinakain at regular na pagte-test ng blood sugar upang masigurong nananatili ito sa normal. Mahalagang sundin ang mga payo ng iyong doktor dahil siya rin ang makakatulong at gagabay sa iyo sa pagkontrol ng iyong diabetes