Info T1D

Icon

Healthcare Professionals

About Us

Ano ang insulin at bakit ito kailangan ng mga diabetic?

Na-edit:

Anne-Charlotte Ficheroulle

Pharmacist, Education Manager, A4D

Ano ang insulin?

Ito ay isang hormone na nagpapababa ng glucose(isang uri ng asukal) sa dugo. Sa mga taong may Type 1 diabetes, kaunti lamang o halos walang insulin na nagagawa ang kanilang pancreas. Dahil dito, lahat ng may ganitong kondisyon ay kailangang tumanggap ng insulin. Karaniwan, ito ay itinuturok sa balat upang tumalab nang maayos sa kanilang katawan.

Ang pangunahing layunin ng insulin ay maibigay sa katawan ang sapat na dami na insulin. Sa ganitong paraan, mas mapapanatili ang normal na blood glucose level na nakakatulong para maiwasan ang mga komplikasyong dulot ng diabetes. Kapag nagsisimula ka pa lang gumamit ng insulin, maaaring hindi agad makuha ang tamang dosage. Kaya, kailangan mo ring masukat ang iyong blood sugar ng maraming beses kada araw. Dahil dito, tutulungan ka ng iyong doktor na baguhin o ayusin ang dosage ng insulin hanggang sa ito'y umakma sa iyong pangangailangan.

Ang uri at dami ng insulin na kailangan mong iturok araw-araw ay nakadepende sa iyong diabetes management plan. May mga taong may diabetes na kailangang magturok ng dalawang beses sa isang araw. Ang iba naman ay kailangang magturok ng maraming beses para mapanatili ang blood glucose level sa normal. Samakatuwid, tutulungan ka ng iyong doktor na magdesisyon kung ano ang nararapat para sa iyo.

Ano ang mga iba't ibang uri ng insulin?

Short Acting

Ito ay tumutulong na makontrol ang pagtaas ng blood glucose level pagkatapos kumain. Mabilis itong gumagana pero saglit lang ang epekto nito. Dagdag pa, ang eksaktong oras ng pagturok ay nakadepende sa oras ng iyong pagkain. Madalas ginagawa ang pagturok 30 minuto bago kumain o bago mismo kumain, depende sa uri ng insulin na ginagamit mo.

Long Acting

Mabagal ang epekto nito at tumatagal nang halos isang buong araw. Nakakatulong ito sa pagkontrol ng blood glucose level sa pagitan ng bawat pagkain. Bukod pa rito, pinapanatili nitong normal ang blood sugar sa buong araw at gabi at karaniwan itong itinuturok bago matulog. Gayunpaman, ang eksaktong oras ng pagturok ay depende sa uri ng insulin na ginagamit. Kaya naman, mahalagang kumonsulta sa iyong doktor o nars tungkol dito.

Intermediate Acting

Ito ay nasa pagitan ng short-acting at long-acting na insulin. Tumatagal ito ng 1 hanggang 3 oras bago magsimulang tumalab. Pagkatapos nito, mas lumalabas ang epekto nito sa loob ng 8 oras, ngunit kaya nitong panatilihing maayos ang kondisyon ng dugo nang mula 12 hanggang 16 na oras.

Ang kahalagahan ng tamang oras.

Hindi mo na mapapawalang bisa ang insulin kapag naiturok na ito — gagana at gagana ito kahit ano pa ang mangyari — kaya kailangan mong tiyaking gumagamit ka ng tamang dami ng insulin sa tamang oras. Halimbawa, kung hindi ka nakakain sa tamang oras dahil kumain ka kasama ng mga kaibigan mo, maaaring kailangan mong ipagpaliban ang pagtuturok ng insulin. Kumain ka ng meryenda sa iyong karaniwang oras ng pagkain, at magturok ng insulin mamaya.

Ang pagsunod sa isang organisadong plano ng pagkain araw-araw at pag-eehersisyo — bilang karagdagan sa pag-inom ng iyong gamot — ay makakatulong sa iyo na mapanatili ang magandang blood glucose level at maging mas madali para sa iyo na malaman kung gaano karaming insulin ang dapat mong iturok. Kung nasa sitwasyon kang hindi ka sigurado kung paano i-adjust ang tamang dami ng insulin sa iyong kinakain o sa ginawa mong pag-ehersisyo, magtanong sa isang magulang o miyembro ng iyong diabetes health care team.

Bagaman maaari mong gawin ang lahat ng nararapat, minsan mahirap kontrolin ang blood glucose. Para sa mga taong may diabetes, magkakaroon ng mga pagkakataong ang dami ng insulin na itinuturok sa katawan ay mas kaunti o mas marami sa pangangailangan ng katawan kaya’t ang blood glucose level ay nagiging sobrang baba o sobrang taas.

Isang pangkaraniwang isyu sa mga gumagamit ng insulin ay ang mababang antas ng blood glucose o Hypoglycemia. Pwede itong mangyari anumang oras, ngunit mas malaki ang tsansang mangyari ito sa mga taong kaunti ang kinakain o mas madalas mag-ehersisyo. Ang hypoglycemia ay mas madalas ding mangyari sa unang linggo o buwan pagkatapos nilang magkaroon ng Type 1 Diabetes.

Kapag madalas bumaba ang iyong blood glucose, nangangahulungang kailangan nang ayusin ang dami ng insulin na itinuturok mo sa katawan at ang iyong meal plan. Kung mangyari ito, makipag ugnayan sa iyong diabetes health care team. Tutulungan ka nilang bumuo ng plano upang mapanatili ang magandang blood glucose level sa lalong madaling panahon

Key Takeaways

Sa may diabetes, ang insulin ay isang uri ng gamutang nakapagliligtas ng buhay. Ito ang dahilan kung bakit hindi lang mahalaga para sa mga diabetic na malaman kung paano at kailan magtuturok ng insulin, kundi kung anong klaseng insulin ang kailangan mong gamitin upang mapanatiling malusog ang katawan at maiwasan ang iba pang masamang epekto ng diabetes.

Kumuha ng pagsusulit sa Insulin ngayon!

Icon Paunawa: