Info T1D
Healthcare Professionals
About Us
Pagkatuto ng iyong bagong diagnosed na anak ng Type 1 Diabetes gamit ang HelloType1
Na-edit:
Hindi madali ang maging magulang, subalit nagiging mas mahirap at stressful ito kung ang iyong anak ay may Type 1 Diabetes.
Ang mga magulang, tagapag-alaga, at batang may Type 1 Diabetes ay kailangang magtulungan upang makontrol ang kondisyong ito.
Habang lumalaki at natututong gawin ang mga bagay-bagay nang mag-isa, mahalaga pa rin ang pagtulong at pagprotekta ng mga magulang sa batang may diabetes.
Ibig sabihin nito ay ang paggabay at pagturo sa bata habang hinahayaan siyang gawin ang mas maraming bagay nang mag-isa sa kanyang paglaki. Tinatawag din itong diabetes independence.
Upang maging maayos ang prosesong ito, mahalaga ring makipag-ugnayan sa doktor upang makabuo ng mga layuning kayang maisagawa.
Ipakikita ng aritkulong ito sa mga magulang kung paano maging madali para sa kanilang anak na may diabetes ang pagkilos nang mag-isa.
Isipin ang edad at paglaki ng iyong anak habang dahan-dahan siyang binibigyan ng mas maraming responsibilidad sa pangangalaga ng kanyang kalusugan.
Magsimula sa mga gawaing angkop sa kanyang edad at unti-unting magdagdag pa habang lumilipas ang panahon.
Maaaring sa simula ay hayaan mo siyang kunin ang kanyang blood glucose monitoring kit o ayusin ang kanyang mga kagamitan. Habang siya ay lumalaki, pwede mo na siyang utusang tingnan ang insulin correction doses nang may patnubay mula sa doktor.
Habang siya ay nagiging mas komportable, maaari mo na siyang hayaang bigyan ng insulin shots ang kanyang sarili. Nakatutulong ito upang magkaroon siya ng diabetes independence habang mas nagiging sanay na alagaan ang kanyang sarili sa kanya paglaki.
Upang magkaroon ng kumpiyansa ang iyong anak, kailangan mong magtiwala sa kanya sa paglutas ng mga problema. Isa itong paraan ng pag-aalaga sa batang may diabetes at pagtuturo sa kanyang maging independent.
Suportahan ang iyong anak sa pamamagitan ng role-playing kung saan maaari siyang maging doktor o gurong nagtuturo ng tungkol sa diabetes. Habang ikaw naman ay maaaring magpapanggap bilang isang batang may diabetes.
Mainam itong paraan upang tumaas ang kanyang kumpiyansa, magkaroon ng diabetes independence, at matuto ng higit pa kung ano ang diabetes.
Kung gagamitin ng iyong anak ang kanyang imahinasyon, maaaring maging mas maayos ang pag-aalaga niya sa kanyang sarili.
Isa pang malikhaing paraan na maaari mong gawin ay tulungan ang iyong anak na gumawa ng kanyang sariling blood glucose recording sa pamamagitan ng logbook, journal, o scrapbook.
Pwede niya itong i-personalize sa tulong ng paglalagay ng mga larawan at pagsusulat ng mga positibo at negatibong bagay na nangyari sa kanya araw-araw. Maaari din niyang mapansin kung nagbago ang lebel ng kanyang glucose at kung paano niya ito mapabubuti.
Makapagpapabuti ng kanyang pakiramdam ang pagpapahayag ng kanyang nais sabihin at pagkita sa kanyang pag-unlad.
Tulungan ang iyong anak na makipagkaibigan sa ibang batang mayroon ding diabetes sa pamamagitan ng pagsali sa mga malalapit o online support groups.
Makatutulong sa pag-aalaga sa batang may diabetes ang pagkilala sa ibang taong may kaparehas niyang karanasan upang mabawasan ang kanyang kalungkutan at maging mas masigla. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng paghahanap ng online groups. Pwede ring makatulong ang pagtatanong sa doktor tungkol dito.
Sa ganitong paraan, ikaw at ang iyong anak ay makatatanggap at makapagbibigay ng emotional support at makapagbabahagi rin ng inyong mahahalagang karanasan sa mga taong makauunawa sa inyo.
Ang diabetes camps ay mainam na lugar upang makakilala ng mga bagong kaibigan at makabuo ng koneksyon na maaaring magtagal habambuhay.
Sa isang mapag-alagang kapaligiran, ang pag-aalaga sa batang may diabetes habang nagsasagawa ng mga masasayang aktibidad ay maaaring makapagpataas sa kumpiyansa ng iyong anak at makapagbigay sa kanya ng kakayahang maging responsable sa kanyang sariling kalusugan.
Ang pagpapanitili ng normal na buhay ng iyong anak ay nangangahulugan ng paghahanap ng tamang kombinasyon ng pagiging istrikto at bukas sa pagbabago. Alamin mula sa iyong anak kung paano siya magsasalita tungkol sa kanyang diabetes sa pinakamainam na paraan at sa pang-araw-araw na buhay.
Sa simula, ang mga magulang ang gumagawa ng mga bagay-bagay tulad ng pagbibigay ng insulin injections at pag-check sa blood sugar at carbs. Subalit sa paglipas ng panahon, ang ganitong mga responsibilidad ay maaari nang ibigay sa iyong anak hanggang sa magkaroon na siya ng diabetes independence.
Bigyan ng kalayaan ang iyong anak habang patuloy siyang tinutulungan sa panahong kailangan niya. Masaya siyang malaman na may taong tumutulong sa kanya, sa anomang pagkakataon.
Higit sa lahat, ang pagtuturo sa batang may diabetes kung paano niya alagaan ang kanyang sarili ay isang prosesong nangangailangan ng oras, kabaitan, pasensya, at suporta mula sa mga magulang.
Gayunpaman, ang paghikayat na maging independent ay ang pinakamainam na paraan para sa mga magulang upang tulungan ang kanyang anak na may diabetes. Hindi lamang ito upang maalagaan niya nang maayos ang kanyang kalusugan kundi upang matuto siya ng mga mahahalagang kasanayan sa buhay.
Ang layunin ay ang pagtulong at pag-aalaga sa batang may diabetes upang siya ay makapamuhay nang masaya at malusog nang sa gayon siya ay maging responsible at magkaroon ng kakayahang indibiduwal.