Info T1D

Icon

Healthcare Professionals

About Us

Mga Tip sa Pag-eehersisyo

Na-edit:

Anne-Charlotte Ficheroulle

Pharmacist, Education Manager, A4D

Bakit kailangang maging aktibo?

Mahalaga para sa lahat ang pag-eehersisyo. Binibigyan tayo nito ng dagdag na lakas at nakatutulong upang mapanatili ang tamang timbang. Higit na mahalagang mag-ehersisyo kung mayroon kang Type 1 Diabates dahil tumutulong ito upang mas makontrol nang maayos ang iyong blood sugar at makapagpataas ng tiwala sa sarili.

Maganda ang lahat ng uri ng pag-ehersisyo – mula sa paglalakad, pagbibisikleta hanggang sa paglalaro ng football. Subukang mas maging aktibo araw-araw. Sa simula, i-target na makapag-ehersisyo nang 30 minuto kada araw, saka unti-unting habaan nang hanggang isang oras. Gawin ito sa loob ng 5 hanggang 6 na araw kada linggo.

Paano nakaaapekto ang pag-ehersisyo sa level ng blood glucose?

Nakakaapekto ang pag-ehersisyo at pisikal na gawain sa level ng glucose sa dugo sa magkakaibang paraan. Kadalasang napabababa nito ang level ng glucose sa dugo dulot ng:

- Gumagamit ng mas maraming glucose ang mga kalamnan upang maging enerhiya

- mas nagiging sensitibo ang katawan sa insulin

O minsan, napatataas nito ang level ng glucose sa dugo dahil sa:

- epekto ng iba pang hormone sa katawan (pansamantala lamang dulot ng stress o pananabik)

- pagkakasakit

Mga Tip sa Pag-ehersisyo para sa mga may Type 1 Diabetes

- I-test ang glucose sa dugo bago mag-ehersisyo. Nakatutulong ito upang malaman mo kung gaano karaming pagkain ang kailangan bago ka magsimulang mag-ehersisyo.

- Hypoglycemia kit: Tiyaking palagi kang may dalang hypoglycemia kit (hal. juice at biskuwit) kapag nag-eehersisyo.

- Ipaalam sa iyong coach o teacher: Tiyaking may nagbabantay sa iyo na taong makatutulong sakaling magkaroon ka ng hypoglycemia o hyperglycemia.

- pagturok ng insulin: Iwasang mag-ehersisyo 2 oras matapos magturok ng insulin dahil maaari nitong mapababa nang sobrang bilis ang level ng iyong glucose sa dugo.

Makipag-usap sa iyong doktor kung hindi ka sigurado kung kailan ka dapat magturok ng insulin.

- Dapat kainin bago mag-ehersisyo: Tanungin ang inyong doktor kung gaano karaming pagkain ang kailangan ng iyong anak bago mag-ehersisyo. Ilan sa magandang isama sa pagkain ang: prutas, low fat milk, yogurt, biskuwit o isang hiwa ng tinapay.

- Matagal na pag-ehersisyo: Ang matagal na pag-eehersisyo ay maaaring mangailangan ng karagdagang carbohydrates at/o bawasan ang dose ng insulin. Pag-usapan ito kasama ng iyong doktor o nurse.

Kontrolin ang iyong kalusugan

Kailangan mong kontrolin ang iyong kalusugan. Napakahalagang ipaalam mo sa iyong teacher o coach kung hindi maganda ang pakiramdam mo habang nag-eehersisyo.

Walang masama kung hihinto ka sandali at titigil sa paglalaro o pag-eehersisyo. Dapat mong tugunan ang pangangailangan ng katawan mo dulot ng diabetes tulad ng pagkain dahil sa mga sintomas ng pagbaba ng glucose sa dugo (hypoglycemia) o kung ite-test mo ang level ng glucose sa iyong dugo.

Ang Pag-ehersisyo para sa mga Taong may mga Komplikasyon

Isang mahalagang dapat tandaan ay maaaring magkaroon ng iba pang kondisyon ang diabetes tulad ng neuropathy o problema sa puso. Kung hindi ito isasaalang-alang, maaaring maging sanhi pa ng higit na problema o seryosong pinsala sa katawan ang pag-ehersisyo.

Halimbawa, maaaring mahirapang tumakbo o mag-jogging ang isang taong may problema sa nerves sa kanyang mga paa. May posibilidad ding masaktan, magkapasa o masugatan sa paa ang isang taong diabetic na maaaring magdulot ng komplikasyon kung hindi maaagapan.

Sa mga kaso ng mga diabetic na may sakit sa puso, mas mainam na kumonsulta muna sa doktor at tanungin kung anong klase ng ehersisyo ang puwede sa iyo at alin ang hindi. Sa ganitong paraan, maiaakma mo ang klase ng pag-ehersisyong ligtas para sa iyo.

Isa pang magandang tip na dapat tandaan ay isulat mo ang alinmang ehersisyong ginagawa mo at ang mga epekto nito sa iyong katawan. Kung nahapo ka o hinimatay matapos mag-ehersisyo, mas mabuting maghinay-hinay sa mas magaan na paraan. Para sa mga taong may neuropathy, tiyaking malaman kung may sugat ka na maaaring idinulot ng pag-ehersisyo.

Key Takeaways

Mahalaga ang pag-ehersisyo upang mapalakas ang katawan at mapanatili ang itong nasa kondisyon. Para sa mga diabetic, dagdag na mahalagang gawain ang pag-ehersisyo dahil tinutulungan nitong ma-manage ang mga komplikasyon ng sakit, at makontrol ang level ng glucose sa dugo.

Magandang ideya rin ang pagkonsulta muna sa doktor, lalo na kung matinding pag-ehersisyo ang gagawin. Ito ay dahil sa ilang pagkakataon, may kaakibat na komplikasyon ang diabetes na maaaring lumala kung hindi tama ang pag-ehersisyong gagawin. Sa kabila nito, inirerekomenda pa rin ng mga doktor na manatiling aktibo ang mga diabetic upang maging malusog at maiwasan ang iba pang problema sa kalusugan.

Sagutin ang pagsusulit sa ehersisyo ngayon!

Icon Paunawa: