Info T1D
Healthcare Professionals
About Us
Ang Kuwento ng Katatagan at Pagiging Positibo ni Tong
Na-edit:
Kilalanin si Tanapol Sukarin, o mas kilala bilang Tong ng kanyang mga kaibigan. Sa edad na dalawa, na-diagnose siya na may Type 1 Diabetes (T1D). Halos buong buhay ni Tong, ginugol niya ang kanyang buhay sa pangangalaga ng kanyang kondisyon na mapanghamon para sa marami. Ngunit ngayong 19 na taong gulang na siya, si Tong ay positibong-positibo at masayahin. Para sa kanya, hindi isang pasanin ang diabetes kundi bahagi lamang ng kanyang pang-araw-araw na buhay. Mas lalo pa itong naging madali para sa kanya dahil sa patuloy na suporta ng kapamilya, kaibigan at mga doktor.
Pitong taong gulang na si Tong nang lubos niyang maunawaan ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng diabetes. Sa halip na maramdamang mag-isa siya o mahiya, tinanggap niya ang T1D na karaniwang bahagi ng buhay. Habang natututo ng basic responsibilities ang ibang mga bata, kumpiyansa nang nagtuturok si Tong ng insulin sa harap ng kanyang mga kaklase. Nagawa pa niyang turuan ang kanyang mga kaklase kung paano magturok ng insulin, sakali mang kailanganin niya ang tulong ng mga kaklase sa hinaharap. “Hindi ko naiisip na itago ito,” sabi niya. “Matagal nang may T1D ako. Bahagi na lang ito ng sarili ko.”
Ang positibong pananaw na ito ang naging daan upang makapagpokus siya sa kanyang mga pangarap. Kasalukuyang nag-aaral ng Humanities, major in English si Tong. Hinahangad niyang magkaroon ng karerang magbibigay sa kanya ng Kalayaan at kasiyahan, at mabuhay ayon sa nais niya.
Ang kuwento ni Tong ay hindi lamang tungkol sa buhay ng may T1D. Na-diagnose din siya na may ischemic stroke, isang natatanging genetic condition na walang kinalaman sa diabetes. Hindi biro ang humarap sa dalawang mapanghamong kondisyon, ngunit hinarap ni Tong ang parehong kalagayan nang may positibong pananaw sa buhay.
Lubos ang pasasalamat ni Tong sa mga tao sa kanyang buhay tulad ng kanyang mga magulang, doktor at mga kaibigan na hindi kailanman ipinaramdam sa kanyang kakaiba siya. Tinitingnan nila si Tong sa kung sino siya Talaga at hindi lang sa kondisyon ng kanyang kalusugan.
Hindi lang tinuruan si Tong ng T1D kung paano mag-check ng kanyang blood sugar, kundi hubugin ang kanyang pagkatao. Naunawaan niya ang kahalagahan ng patuloy na pagsunod sa mga kinakailangang pag-aalaga ng sarili lalo na’t alam niyang kapag nakaligtaan niya kahit isang dose o kung mapapabayaan niya ang kanyang kalusugan, maaari itong mauwi sa seryosong problema. Ang ganitong kaugalian ay higit pa sa kalusugan, may epekto rin ito sa kanyang pag-aaral, pakikipagkaibigan at pangarap.
“Tinuruan ako ng T1D na maging mas disiplinado,” pagninilay ni Tong. “Nadala ko sa ibang aspekto ng buhay ko ang pagiging responsible sa aking kalusugan. Hindi madali, pero alam kong maaari akong mabuhay nang normal at matupad ang aking mga pangarap.”
Sa pamamagitan ng kanyang mga karanasan, umaasa si Tong na mahikayat ang iba, lalo na ang mga batang may T1D na makita ang kanilang sarili nang lagpas pa sa kanilang kondisyon. Malinaw ang kanyang mensahe: “Maaari kang mabuhay nang masaya at maabot ang iyong mga pangarap. Manatiling positibo, alagaan ang sarili, at palibutan ang sarili ng mga taong susuporta sa iyo.”
Binanggit niya rin ang tungkol sa pagiging mabuti at matiyaga. “Tandaan nating hindi nakatutulong ang pagkokompara sa ating sarili sa iba. Hindi ibig sabihing may naabot ang iba ay nangangahulugang hindi natin kaya. Magkakaiba tayo ng kumpas ng buhay, at bawat hamon ay totoo. Ginagawa natin pare-pareho ang lahat. Kung kailangan mong magpahinga, magpahinga ka. Kapag handa ka na, magpatuloy ka na. Huwag kang hihinto. Laban lang!”
Isang paalala sa atin ang kuwento ni Tong na ang T1D, o kahit na anong kondisyong pangkalusugan, ay hindi batayan ng maaari nating maabot sa buhay. Gamit ang positibong pananaw, matatag na suporta, at determinasyong magpatuloy, maaari tayong magkaroon ng buhay na puno ng saya, pagkakataon, at tagumpay.